Culion Mission expresses its gratitude to Filipinos in Dublin

Jan 3, 2010 |

Culion Palawan(Note: Below is an email from Fr. Xavier “Javy” Alpasa, SJ who is based in Culion, Palawan, Philippines. He extends his gratitude to all the Filipinos in Dublin especially those who participated in the Simbang Gabi Masses where all mass offerings were sent to Fr. Javy’s mission in Culion. The total amount sent to him was 2,310 Euros or 153,638.10 Philippine pesos.)

MARAMING SALAMAT SA MGA NAGMAMAHAL NA KABABAYAN

Isang maluwalhating pagbati ng pasko sa inyong lahat na mga kababayang Pilipino diyan sa Dublin. Sumasabog ang aming puso sa pasasalamat sa napakalaking biyaya na inyong ipinadala para sa mga maralitang kapatid natin dito sa Culion, Palawan.

Napakasayang sorpresa ang tawag ni Fr. Rene at isang kamangha-manghang pagtulong ang ginagawa niyo. Hindi niyo naman kami kilala ngunit salamat sa langit at pinagtagpo ang ating landas. Dumating ang inyong tulong sa panahong kailangang-kailangan namin ito.

Ang Culion ay tinaguriang “land of the living dead” isang islang inilayo sa lipunan dahil sa mga leprosong tinipon at itinapon dito. Isang daang taon ang lumipas at nagpatuloy ang paghihirap dito. Naideklarang leprosy-free ang Culion noong ika-100 selebrasyon/centennial 2006.

Subalit hindi pa rin makaungos sa kahirapan ang isla sa tagal ng pagkakahiwalay nito sa lipunan. Sa kinasamaang palad, nagsara ang nag-iisang pribado at katolikong elementarya dito noong nakaraang Marso lamang. Naubusan ng pondo ang isang foundation na tumutulong sa isla. Literal na umiyak ang mga bata, magulang, guro at halos ang buong pamayananan dito.

Pagkaraan ng isang buwan ako ay naordinahan bilang pari at dito ako na-assign simula Mayo. Wala nang elementarya, wala nang pondo, mas naramdaman ang kahirapan. Niyakap ko ang misyon na ito hindi dahil sa mga tinamasa kong award dahil sa pagtulong ko sa payatas sa rags2riches o mga international recognitions kundi alam kong pakikilusin ng Panginoon ang langit at lupa upang matulungan lamang ang mga maralitang malapit sa kanyang puso.

Akala ko noong una, nakita ko na ang lahat ng mukha ng kahirapan. May mga aantig pa pala sa puso ko. Dito may mga nagpapabasbas ng patay ng agad-agaran mula pa sa mga malalayong isla dahil walang pangembalsamo at kailangang mailibing kaagad. May mga katutubong kumakaain ng kurot, na sa katunayan ay lason na pagkain ngunit kung magtitiyaga kang alisin ang lason sa isang mahabang proseso ng pagbabad sa dagat, tubig, paglaga, paginit mawawala din ang lason at makakain na rin ng mga lubos na kapus-palad. Ilang beses na akong napaluha sa mga kwentong desperado dito lalo na nung mahuli ko ang isang paslit na itinumba ang kandilaan ng simbahan makakuha lang ng ilang piso para may makain ang kanilang pamilya.

Buti na lang may pasko. Buti na lang may mga taong may ispiritu ng unang sanggol na nag-alay ng kanyang sarili para sa sanlibutan. Buti na lang po andyan kayo.

Maraming-maraming salamat po. Naluluha po akong isinusulat ang liham na ito sapagkat ramdam na ramdam ko bigla ang pasko sa maliit kong opisina waring sinasabihan akong kaya ang misyong ito dahil laging andiyan ang pagkalinga ng Panginoon na tumawag sa aking sa pagpapari.

Mabuhay kayo. Salamat sa paghatid ng pasko hindi lang sa isla namin kundi sa puso ng Paring magsisilbi sa mga kapatid nating kapos dito.

Maligayang-maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat. Nagsilbi kayong anghel sa aming lahat.

Mula sa islang minsan nang tinalikuran ng lipunan na ngayon ay inyong binibigyang pansin at tulong,

Fr. Xavier “Javy” Alpasa, SJ

Book Shop

Books on St. Peter Julian are available online. Please visit our Book Shop.

visit shop now

Mass Offering

Mass offerings can be made online now. Please select the desired amount you wish to offer. We thank you very much.